Nahatulan ang isang babaeng Filipino-American sa Hong Kong District Court ng “using a false instrument” matapos niyang subukang magdeposito ng isang pekeng tseke ng US$2 billion sa isang bangko noong nakaraang taon.
Inaresto si Elena S. Orosa, 57-anyos, sa branch ng Hang Seng Bank sa Tsim Sha Tsui ng Kowloon noong October 18, 2017 nang subukan niyang magdeposito ng tseke sa account ni Manish, ang may-ari umano ng Great Billion Hong Kong Ltd., iniulat ng sunwebhk.com.
Sa pamamagitan ng mga inilatag na ebidensiya sa korte, sinubukang ipakita ng abogado ni Orosa na hindi niya alam na ginagamit na pala siya ng ibang mga tao para sa transaksyon.
Ayon kay Orosa, siya’y nagpunta sa bangko sa utos ng kaniyang Filipinong kaibigan na nagngangalang Randy Songadan at inaming nabanggit ni Randy sa isang text na mayroon siyang mga asset na pinagmamay-ari ng dating presidente ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos at ang US$2 billion ay parte ng mga asset na iyon.
Ayon pa rin kay Orosa, sinabi ni Randy na mayroong mga contact sa Central Bank ang isa niyang kaibigan na nagngangalang Ed Frondoso na gumawa ng tseke upang kumuha ng pera na itinago ‘di umano ni “old man” Marcos sa Hang Seng Bank.
Inamin rin niyang mga apat na araw bago siya pumunta sa bangko, nakikipag-ugnayan na siya kay Manish gamit ang Skype, na nag-utos sa kaniya kung saan idedeposito ang tseke at ibigay ang resibo ng pagdeposito kay Raveen Kumari, ang managing director ng Great Billion sa Hong Kong.
Tinanggihan ni Judge Charles Chan ang paratang na wala umanong intensiyon ang nasakdal ng pag-cash ng tseke. Pinanindigan niyang mayroong nang nagawang pagkakasala kahit na pa hindi cinash ang tseke.
Idinismiss rin ni Chan paratang ni Orosa na hindi niya alam na peke pala ang tseke bago niya ito sinubukang ideposito, na idinagdag pang kahit sinong matanda na mayroong alam sa negosyo ay makakaalam na peke nga ito.
Ang nasakdal, na nagtapos ng BS Management degree sa San Francisco State University, ay ipinanganak sa Pilipinas at nag-migrate sa US kasama ang kaniyang mga magulang sa edad na lima. Siya’y naging isang mamamayan na rin ng US.
Isinet na ni Judge Chan ang pagsisintensiya sa November 2 na may kasamang background report. Pinananatili muna siya sa kustodiya hanggang sa petsa ring iyon.
Original: Filipino-American guilty of trying to cash fake US$2B check