Ang mga naarestong mga Filipinong domestic worker sa Hong Kong dahil sa ilegal na pagsusugal sa isang pampublikong lugar ay maaaring ‘di tanggapin ng Immigration Department ang kanilang mga aplikasyon sa visa.
Ipinapaalam na ng mga pulis sa Immigration Department ang ukol sa mga Filipinong domestic worker na mga nahuli sa ilegal na pagsusugal sa bayan, na naging sanhi ng pagiging istrikto ng department sa mga aplikasyon ng mga visa ng mga manggagawa, iniulat ng hongkongnews.com.hk, na ayon rin kay Shiella Grace Estrada, ang secretary ng Hong Kong Federation of Asian Domestic Workers Unions (FADWU).
Ayon kay Estrada, nakatanggap ng mga report ang union mula sa mga domestic worker na maraming aplikasyon para sa visa ang kanilang ‘di tinatanggap dahil kinukuha ng mga pulis ang mga Hong Kong ID card kapag nalaman nilang naaresto na ang domestic worker dahil sa pagsusugal, at ipinadala ang impormasyon sa Immigration Department.
“Kahit na una o pangalawa pa lamang na (ilegal na pagsusugal) offense at kahit pa hindi pa dinadala ang reklamo sa korte dahil walang natagpuang pera sa akto, ipinaparating pa rin ito (sa Immigration). Ngayo’y mas istrikto na sila”, dagdag pa niya.
Nagpadala ng sulat ang Hong Kong Police sa FADWU, na binabalaan ang mga ito ukol sa mga Filipinong mga domestic worker na ilegal na nagsusugal sa Central, ngunit hindi kasama ang mga Indones at mga Thai na mga grupo.
Sabi ng mga pulis, sila’y nakatatanggap na ng mga reklamo na natatagpuang nagsusugal ang mga Filipino domestic worker sa apat na lokasyon sa Central – Chater Garden, Lambeth Walk Garden, sa may Murray Road Multi-Storey Carpark Building at sa ilalim ng footbridge na nagdudugtong ng Murray Road at Chater Road.
Sa ilalim ng Gambling Ordinance ng Hong Kong, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusugal sa mga tabing kalsada at kailangang lisensyado ang mga gusaling sugalan. Maaari namang laruin ang mga baraha, chess at iba pang mga laro, ngunit wala rapat kasamang mga pera o kahit ano mang mga pusta, kahit ano pa man ang halaga.
Ang sino mang lumabag sa batas ay mananagot sa prosecution at magmumulta sa ‘di bababa ng HK$5,000,000 at makukulong ng ‘di hihigit sa pitong taon.