Daan-daang mga manggagawa ang nag protesta laban sa gobyerno ng Hong Kong noong Linggo upang mag-apila na taasan ang kanilang minimum wage ng 24.6% o HK$5,500 (PHP37,000) kada buwan para sa 354,000 na kapwa manggagawa.
Halos 300 na mga manggagawa mula sa Indonesia, Pilipinas, Thailand, Nepal at Sri Lanka ang nagsama-sama sa Status Square Central sa Hong Kong at nagprotesta papuntang headquarters ng Admiralty para mag-apila ng pagtaas sa kanilang buwanang sweldo pati na din ang allowance para sa pagkain, ulat ayon sa Oriental Daily.
Nagsuot ng pula ang mga nagprotesta at gamit ang mga banner, sabay sabay silang sumigaw ng “Kami ay mga manggagawa, kami ay hindi mga alipin”.
Ang Asian Migrants’ Coordinating Body (AMCB) ay humingi ng 24.6% na dagdag sa minimum wage kada buwan para maging HK$5,500 (PHP???) at dagdag bayad para sa pagkain mula HK$1,053 (PHP7,200) hanggang HK$2,500 (PHP17,000).
Humiling din ang grupo sa gobyerno na magkaroon sila ng 11 oras na pahinga kada araw at tamang oras para sa pagkain, pati na rin ang malinis at komportableng tirahan para sa mga manggagawa. Ang mga hiling ng mga manggagawa ay dapat kasama sa kontrata.
Nakakalap ng 18,000 pirma ang organisasyon mula sa mga manggagawa at ipinadala ito sa mga opisyal ng gobyerno. Ayon kay Spokeperson Sringatin, hindi tama ang pagtrato ng mga manggagawa sa Hong Kong. Sinabi niyang ang iba ay hindi na nakakapag-pahinga ng maayos. Idinagdag niya pa na ang ibang mga amo ay ginigising ang mga kasambahay ng madaing araw upang utusan at ang iba naman ay natutulog sa kusina o sa mga pasilyo lamang.
Sinabi ni Sringatin na ang pamumuhay sa Hong Kong ay masyadong mahal at ang buwanang sweldo na HK$5,500 ay sapat lamang upang mabuhay.
Inanunsyo ng gobyerno na sa Setyembre ay idadaos ang taunang pagpupulong ukol sa minimum wage ng mga manggagawa sa Hong Kong.