Pinayuhan ng gobiyerno ng Pilipinas ang mga OFW sa United Arab Emirates na magpadala sa mga lehitimong accredited cargo companies upang masigurado na maayos na darating ang kanilang mga padala sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Charmaine Mignon Yalong, Commercial Attaché ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Middle East at Africa, na dapat piliing mabuti ng mga Filipinong nagpapadala ang mga cargo companies mula sa listahan ng accredited Filipino companies upang malaman kung ito ay lehitimo at ligtas, ulat ayon sa Gulf News.
“Lagi namin silang pinapaalalahanan na ang kanilang mga ipinapadala ay bunga ng kanilang mga paghihirap. Lahat ng laman ng mga kahong ito ay galing sa dugo’t pawis nila. Ang huling pagsubok lamang talaga ay kung paano ito makararating ng ligtas sa kanilang mga pamilya”, pahayag ni Yalong.
Ayon kay Yalong, nasa higit 50 cargo companies ang nasa proseso ng pagpaparehistro sa ilalim ng Philippine Business Council para masigurado na lahat ng magiging problema sa kanilang sektor ay mareresolba agad.
“Mas madaling malalaman kung ang mga operator ay lehitimo at mamo-monitor sila hindi lamang ng gobiyerno ng UAE, kundi pati na rin ng Philippine Business Council at ng DTI”, sabi ni Yalong.
Tuwing nalalapit na ang kapaskuhan, maraming mga Filipino ang nagpapadala ng mga kahon na mas kilala bilang “balikbayan” na naglalaman ng mga samo’t saring mga pasalubong tulad ng appliances, chocolates, laruan at mga damit para sa kani-kanilang mga pamilya. Karamihan sa mga package na ito ay ipinapadala nang ‘sing aga ng Setyembre dahil karaniwang inaabot ng isa hanggang dalawang buwan ang mga ito bago makarating a sa kanilang mga pamilya, depende pa kung saan ang destinasyon nito sa Pilipinas.
Original: Filipinos urged to use legal cargo companies in UAE