Isang grupo ng mga Filipino ang na-stranded ng ilang oras matapos mabasag ang windshield ng sinasakyan nilang bus dahil sa malakas na hangin habang sila ay papuntang airport sa kalagitnaan ng pananalasa ng bagyong Mangkhut noong Linggo.
Alas-10 ng umaga nang pumasok ang bagyong Mangkhut sa siyudad, halos 36 na mga Filipino, kasama ang dalawang bata at tatlong senior citizen, ang sumakay ng isang tourist bus sa Winland Hotel 888 sa Tsing Yi na siyang papunta ng Hong Kong International Airport, ulat ayon sa sunwebhk.com.
Nang papalapit na ang bus sa Tsing Ma Bridge, isang malakas na hangin ang humampas sa bus na siyang ikinabasag ng windshield, dahilan upang sila ay tumigil. Imbis na maghanap ng ibang paraan ang tour escort upang mapanatiling ligtas ang mga pasahero, sila daw ay pinanatili lamang sa loob ng bus ng ilang oras hanggang sa may nakahingi ng tulong sa consulate ng mga bandang hapon.
Humingi naman ng tulong sa mga rescuer ang consulate’s assistance to national sections na si Danny Baldon. Ayon kay Baldon, walang matibay na paliwanag ang driver ng bus kung bakit hindi agad sila humingi ng tulong at kung bakit ipinagpipilitan pa nilang tumuloy sa paliparan kahit na delikado at mataas na ang signal ng bagyo sa kanilang lugar.
Maghahain ng reklamo ang konsulado ng Pilipinas sa Travel Industry Council ng Hong Kong ukol sa nasabing insidente.
Sa kabilang banda, isang Filipinang turista ang isinugod sa ospital matapos siyang matamaan ng isang lumilipad na bagay sa Tsim Sha Tsui noong linggo.
Ang Filipina, na isang dentist, ay dumadalaw lamang sa Hong Kong at bumili lamang ng kape sa 7-11 kahit na malakas na ang bagyo noong Linggo nang tinamaan siya ng isang lumilipad na bagay malapit sa Mirador Mansion, ulat ayon sa sunwebhk.com.
Nawalan ito ng malay at sugatan ang kaniyang mga braso at binti. Isinugod ang Filipina sa Queen Elizabeth Hospital sa Jordan at sumailalim sa emergency surgery. Mariin naman ang pahayag ni Baldon na walang katotohanan ang mga balitang kumakalat sa social media na ang Filipina raw ay ‘di umano’y tinamaan ng nahulog na air conditioner na siyang ikinamatay nito.
Isang litrato ang ini-upload sa Facebook noong Linggo at nag-viral na nagpapakitang walang malay at duguan ang biktima. Ayon kay Baldon, taga-Cotabato ang Filipina at maaari itong manatili muna sa ospital ng ilang araw habang ito’y nagpapagaling.
Original: Filipinos stuck in tourist bus as typhoon hits Hong Kong