Mas kumikita ang mga domestic worker kung sila’y mamamasukan sa mga pamilya sa may parteng timog at sa Central District sa Hong Kong Island, resulta ng isang survey.
Naipakita sa isang survey, na isinagawa ng online employment agency, na ang karaniwang ipinapasahod ng mga amo sa lungsod ay umabot sa HK$4,799 (PHP33,000), mas malaki ng 5.5% kumpara sa dating survey noong 2017 na HK$4,545 (PHP31,000).
Samantala, tumaas ang consumer price index sa Hong Kong ng 2.5%. Ibig sabihin lamang nito na ang mga domestic worker ay mayroong mas malaking tsansang makapag-ipon, at mas makakapagpadala sila sa kanilang mga pami-pamilya sa Pilipinas, o mas mapapaganda ang kanilang pamumuhay sa Hong Kong.
Ang HelperChoice, isang online platform na nagma-match ng mga amo sa kanilang mga domestic worker nang walang binabayaran ang mga kasambahay, ang nagsagawa ng pag-aaral ng nasa 2,000 bagong mga job ads na ipinost ng mga user simula ika-1 ng Oktubre ng 2017 hanggang sa ika-31 ng Hulyo ng 2018.
Ang mga amo sa may timog na bahagi ng Hong Kong Island ay nagpapasweldo ng HK$5,077 (PHP35,000), kasunod ang Central at sa may kanlurang distrito, ang Lantau Island, Sai Kung at Wan Chai.
Ang mga ibang amo sa Happy Valley at Sai Ying Pun ay nagpapasweldo ng aabot sa $HK8,500 (mahigit sa PHP582,000), ayon sa survey. Ang lahat nang lugar na mga ito ay sinasabing tirahan ng mga taong mas nakatataas sa lipunan tulad ng mayayaman na mga lokal at mga banyaga. Kaya nilang magpasahod ng mas malaki sapagkat nangangailangan sila ng mayroong mas mataas na lebel na karunungan at mga bihasang mga domestic worker.
Samantala, ang pinakamabababang lugar na magpasahod ay ang Yuen Long, Northern District sa New Territories, kasunod ang Wong Tai Sin, Tsuen Wan at Kwun Tong sa Kowloon, kung saan ang pangkaraniwang pasahod ay HK$4,562 (PHP31,000), 3.4% na mas mataas sa kasalukuyang mga minimum wage para sa mga domestic worker na HK$4,410 (PHP30,000).
Nalaman rin sa survey na 70% ng mga trabaho ay may kasamang pribadong mga kwarto, 16% ang mga kwartong nakikisalo sa isang bata, at 10% naman ang mga kwartong kasalo ang isa pang domestic worker.
Mag-aanunsiyo ang gobyerno ng Hong Kong ng pag-aaral ukol sa minimum wage ng mga domestic worker sa katapusan ng Setyembre.
Original: Domestic workers in Hong Kong earn more in upmarket areas