Dubai, UAE. Photo: Wikimedia Commons
Dubai, UAE. Photo: Wikimedia Commons


Ang Filipinong nakauwi na sa Pilipinas matapos mabigyan ng amnesty sa pag-ooverstay niya sa UAE ay nais bumalik ng Dubai upang makapagtrabaho muli.

Si Joms (hindi niya tunay na pangalan), na nagtrabaho sa Dubai bilang isang sales representative nang dalawang taon, ay nagpahayag na noong siya’y nakahanap ng trabaho roon gamit ang visitor’s visa, hindi inasikaso ng kaniyang mga amo ang kaniyang work permit, iniulat ng The Filipino Times.

Sinabi ni Jom na nagsumite naman siya ng mga kinakailangang mga papeles para sa kaniyang work visa at nagtatanong rin ng mga update sa kaniyang mga amo. Gayunpaman, nang tinanong niya ito sa Ministry of Human Resources and Emiratization, napag-alaman niyang walang nag-asikaso ng kaniyang visa, na nangangahulugang lagpas na siya sa kaniyang departure date. Ang pag-ooverstay niya ay ang naging sanhi ng kaniyang malaking multa, at hindi na niya ito kakayaning mabayaran pa.

Nang inanunsyo ang amnesty program sa United Arab Emirates, sinabi ni Jom na napakalaking tulong nito at kaya na niyang kalimutan ang multa sa kaniyang pag-ooverstay, at makauuwi na rin siya ng Pilipinas.

Gayunpaman, umaasa si Jom na makakabalik siya ng Dubai upang makapagtrabaho muli roon sapagkat kailangan pa rin niyang masuportahan ang pag-aaral ng isa sa kaniyang mga kapatid. Sinabi niyang ito lamang ang tanging paraan upang kayanin ng kaniyang pamilya na mapagtapos ito.

Pinaalalahanan ni Hans Leo Cacdac, ang administrator ng Overseas Workers Welfare Administration, ang mga Filipinong nais magtrabaho sa United Arab Emirates na siguraduhin muna ang kanilang magiging trabaho roon bago lumipad paalis ng bansa. Dagdag pa niya’y ang mga naghahanap ng trabaho ay maaaring magbantay ng mga job posting sa Philippine Overseas Employment Administration upang makaiwas sa mga problemang maaari nilang makaharap pagdating nila sa UAE.

Mayroon nang 345 na mga Filipino ang nabigyan ng amnesty program na nakauwi na sa Pilipinas. Magpapatuloy ang programang ito hanggang sa ika-31 ng Oktubre.

Original: Filipino amnesty recipient wants to return to work in Dubai