Sinungkit ng Filipino-American na contemporary dancer ang pinakamataas na gantimpala sa katapusan ng ika-15 season ng sikat na US dance competition na ‘So You Think You Can Dance’.
Si Hannahlei Cabanilla, 18-anyos, na ipinanganak at lumaki sa Southern California sa United States at ang kaniyang mga magulang ay parehong ipinanganak sa Pilipinas, ay itinanghal na “America’s favorite dancer”. Nanalo siya ng US$250,000, at siya’y tatampok sa cover ng Dance Spirit magazine at magkakaroon ng papel sa ipapalabas ng Fox na live musical na ‘Rent’, iniualt ng Mercury News.
Si Cabanilla, na nagsimulang sumayaw sa edad na dalawa at nag-ensayo sa Orange County performing Arts Academy, ay tinalo ang tatlong iba pang mga finalist – na sina Genessy Castillo, Slavik Pustovoytov at Jensen Arnold – para sa pinakamataas na gantimpala.
“Walang kaduda-dudang ito ang pinakamagandang nang nangyari sa buhay ko. Higit akong nagpapasalamat sa bawat sandaling ako’y nasa paligsahan, at alam kong ito’y isang bagay na hinding hindi ko malilimutan. Nagagalak akong sabihin na ang karanasan kong ito ay ang simula lamang”, sinabi ni Cabanilla.
Isa si Cabanilla sa mga nangunguna simula pa noong umpisa pa lamang ng paligsahan at hindi kailanman napabilang sa mga mananayaw na delikadong matanggal matapos ng lingguhang resulta.
Original: Filipino-American wins top prize in US dance competition