Kuala Lumpur High Court in Malaysia. Photo: Google Maps
Kuala Lumpur High Court in Malaysia. Photo: Google Maps


Sinentensiyahan ang isang Amerikano ng kamatayan sa isang korte sa Malaysia noong Martes sa pagpatay sa kaniyang dating asawa upang makasama na niya ang kaniyang bagong Filipinang asawa.

Sina Gerald Mickelson at ang kaniyang asawa na si Guilda, na mula pa sa Massachusetts sa United States, ay dumating sa Malaysia kung saan nakahanap si Mickelson ng trabaho bilang engineering consultant. Naghiwalay ang mag-asawa matapos ang 30 taong pagkakakasal ngunit pareho pa ring naninirahan sa iisang bubong, iniulat ng The New Straits Times.

Noong ika-26 ng Nobyembre 2016, mula 5am hanggang 11:45am, nagkaroon ng alitan si Mickelson at ang kaniyang dating asawa sa isang kwarto sa isang hotel sa Lingkaran Syed Putra dahil hindi pinayagan ni Guilda si Mickelson na pumunta ng Pilipinas upang makasama na ang kaniyang bagong asawa.

Sinabi ni Mickelson na inatake umano siya ni Guilda kaya’t sinaktan niya ito sa may bandang ulonan, sinakal at pinatay niya ito na ‘di umano’y resulta lamang ng kaniyang pagtatanggol sa kaniyang sarili. Tinawag ni Mickelson ang hotel receptionist at sinabi niyang tumawag ito ng mga pulis.

Noong Martes sa High Court, nahatulan si Mickelson ng pagpatay kay Guilda at sinentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbibigti. Napag-alaman ng korte na mayroong fracture sa ulo ang biktima dahil sa malakas na blunt force trauma at siya’y namatay sa pagkakasakal.

Sa ilalim ng Section 302 ng Penal Code of Malaysia, kung sino man ang pumatay ay paparusahan rin ng kamatayan o pagkakakulong ng habang buhay at may pananagutang magbayad ng multa.

Original: American sentenced to hang for killing his ex-wife