Nadalihan ang lalaki ng 33,000 dirhams (Php 476,134.52) sa kanyang account matapos paniwalaan ang dalawang Pakistaning lalaki na nanalo umano siya ng malaking premyo.
Sinabi ng 47-anyos na lalaki na habang siya’y nagtatrabaho sa isang veterinary clinic, nakatanggap siya ng tawag na galing sa isang lalaking nagpanggap na taga-isang telecom firm na nagsabing nanalo umano siya ng 500,00 dirhams (Php 7.2 million), ayon sa ulat ng Khaleej Times.
Sinabihan ang lalaki na ibigay ang kanyang personal information, kasama na ang kanyang bank account details. Nang kinalauna’y napag-alaman niyang mayroon nang nag-withdraw ng 33,000 dirhams sa kanyang account, at nalaman niyang nabiktima na pala siya ng scam. Itinawag niya agad ito sa Bur Dubai police station.
Naaresto na ang dalawang Pakistaning lalaki, isang 32-anyos at isa namang 35-anyos, at sinampahan na ng kasong fraud at forgery. Inamin naman ng dalawang lalaki na talagang nanloloko sila ng ibang tao at pinaniniwala ang mga ito na nagtatrabaho sila sa isang phone services firm.
Ayon sa dalawang lalaki, sinasabi nilang nakakapanalo ang kanilang mga nabibiktima ng malaking pabuya at saka naman ay hinihingi ang kanilang mga bank details, at sila’y nagwi-withdraw ng pera galing sa mga account ng mga ito. Inamin nilang ginagamit nila ang pera upang mamili ng mga gamit online at ibinebenta naman nila ang mga ito sa mas mataas na halaga.
Original: Filipino loses US$9,000 in fake prize scam in Dubai