Isang Pinoy na ilegal nanirahan sa Dubai ng halos walong taon ay uuwi na sa Pilipinas. Francisco Pacheco, 58-anyos, at nagtungo sa Dubai sa pamamagitan ng kaniyang employment visa noong 1991 at namasukan bilang isang fabricator sa isang aluminum company. Noong 2010, nawalan siya ng trabaho nang magsara ang kumpanya, ayon sa ulat ng Khaleej Times.
Imbis na umuwi na agad sa ‘Pinas, nagtungo siya sa Kish Island sa Iran at bumalik sa Dubai gamit ang tourist visa. Sinubukan niyang maghanap noon ng trabaho, ngunit dahil sa kaniyang edad, nahirapan na siyang matanggap.
Nakakuha siya ng part-time job sa isa pang aluminum factory na nagpapasweldo ng 100 dirhams (Php 1,442) kada araw, o 2,600 dirhams (Php 37,494) kada buwan. ‘Ika niya’y mas pipiliin na niyang manirahan sa Dubai kahit na maturingan siyang ilegal na imigrante para lamang masuportahan ang kaniyang pamilya sa ‘Pinas.
“Kung ako’y umuwi, makakakita lamang ako ng 36 dirhams kada araw, kaya napagpasyahan kong manatili na lamang dito sa Dubai”, sabi ni Pacheco.
Sa suma tutal, nagtrabaho si Pacheco sa Dubai ng halos 27 taon, at sa ngayon, mayroon nang sari-sariling mga pamilya ang kaniyang tatlong anak.
Pinagpasyahan niyang mag-apply ng amnesty, na matanggal ang kaniyang mga overstay fines na umabot sa libu-libong dirhams, at dahil rito makakauwi na muli siya sa Pilipinas sa darating na Sabado.
Original: Filipino in Dubai to return to his family after eight years