Makakauwi na ang OFW na ilegal na nag-overstay sa United Arab Emirates ng 18 sa 28 taon niyang pagtatrabaho roon.
Noong Linggo, isa si Angela Cacayuran sa 116 na mga Filipinong kumuha ng amnesty ng gobyerno ng UAE at pinayagang makauwi na sa Pilipinas nang hindi pagmumultahin dahil sa kanilang pago-overstay, ayon sa ulat ng The Filipino Times.
Sinabi ni Cacayuran na nagsimula siyang mag-overstay sa UAE at piniling magtrabaho nang ilegal sa bansa upang masuportahan lamang ang pag-aaral ng kaniyang mga anak. Sinabi niyang hindi siya uuwi hangga’t hindi pa nakakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang bunsong babae.
Lahat ng kaniyang mga anak ay mga nagsipagtapos na at ngayo’y may kani-kaniya nang mga trabaho. Ang kaniyang bunso ay kasalukuyang nagtatrabaho sa Dubai, at nang malaman niya ang tungkol sa amnesty ng UAE, naisip niyang kunin na ang oportunidad na ito upang bumalik na muli ng Pilipinas nang walang binabayarang mga multa sa tagal ng kaniyang pago-overstay sa bansa.
Ang kaniyang isang anak na babae na si Editha, ay sinabing nag-abroad ang kaniyang ina noong sanggol pa lamang raw siya. Sinabi niyang ipinagmamalaki niya ang kaniyang ina sa mga sakripisyong ginawa nito upang mabigyan lamang sila ng maginhawang buhay.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, mayroong nasa 10,000 mga Filipino ang nasa Abu Dhabi at 20,000 naman sa Dubai ang maaaring gumamit ng amnesty. Ang amnesty program ng UAE, na hinahayaan ang mga taong nago-overstay sa bansa nang ilegal na ayusin ang kanilang mga status o kaya naman ay mapauwi na sa kanilang mga sari-sariling bansa, ay magtatapos sa ika-31 ng Oktubre.
Original: Filipino worker finally returns home from UAE after 28 years