Sinubukang magbigti ng isang 32-anyos na Filipinang kasambahay sa isang villa ng kanyang amo sa Sheung Shui sa New Territories noong Miyerkules.
Sa kabutihang palad, agad siyang nakita ng kanyang amo bago pa siya matuluyan. Agad namang tumawag ang amo ng mga pulis at paramediko na nagligtas sa buhay ng kasambahay matapos nilang dalhin ito sa ospital. Noong alas-8:00 ng umaga, pagkagising ng kanyang 39-anyos na amo, hindi na niya mahanap ang kasambahay sa loob ng villa sa The Green sa 338 Fan Kam Road, ayon sa ulat ng HK01.com.
Nangatok ang amo sa kwarto ng kasambahay ngunit walang sumagot. Nang buksan niya ang pinto, natagpuan niyang nagbigti na ang kasambahay at agad niya itong tinulungang bumaba at tumawag ng pulis.
Hinatid ng mga pulis at ng mga paramediko ang babae sa ospital kung saan siya ay naligtas. Natagpuan ang isang kawad at isang bote ng pesticide sa loob ng kanyang kwarto, ngunit walang nakitang suicide note.
Ayon sa mga awtoridad, wala namang kahina-hinalang mga bagay ang natagpuan sa kaso, at iniimbestigahan na ang dahilan sa likod ng kanyang pagpapakatiwakal. Mayroong 24-oras na multilingual na serbisyo ang The Samaritans, at maaari silang matawagan sa hotline na +852 2896 0000 o kaya naman ay mag-email sa jo@samaritans.org.hk.
Original: Maid attempts suicide in luxury villa in Sheung Shui