Desperadong humingi ng tulong ang isang Pinay na domestic worker sa Dammam sa Saudi Arabia, matapos buhusan siya ng kaniyang amo ng kumukulong tubig.
Si Gealyn Tumalip-Gavanes, 24-anyos, ay nagsimulang magtrabaho sa Dammam halos dalawang buwan na ang nakakaraan at malimit umanong abusuhin ng kaniyang amo. Nakipag-ugnayan na si Tumalip-Gavenes sa kaniyang employment agency tungkol sa pang-aabuso, ayon sa ulat ng GMA News,
Subalit noong madiskubre ng kaniyang amo ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa agency, mas nagalit pa umano ito at binuhusan si Tumalip-Gavenes ng kumukulong tubig. Nagtamo siya ng malalalang paso sa kaniyang likod.
Nanawagan ang pamilya ng domestic worker sa Pilipinas na matulungan na siyang mapauwi. Sumasailalim na ngayon si Tumalip-Gavenes sa treatment sa isang ospital at nasa pangangalaga na ng Overseas Welfare Workers Administration.
Hindi ito ang unang beses na mayroong naiulat na domestic worker na binuhusan ng kumukulong tubig. Noong 2014, nagtamo si Pahima Alagasi ng second degree burn, matapos siyang buhusan ng kumukulong tubig sa likod ng kaniyang amo dahil sa ‘di niya sinasadyang mabitawan ang takip ng thermos habang ipinaghahanda niya ito ng kape.