Ang pitong taong gulang na Filipino-Italiang batang babae na namatay matapos kagatin ng isang dikya noong nakaraang buwan ay nais sanang kumatawan sa Pilipinas at maipanalo ang pinakaunang gintong medalya ng bansa, ayon sa kaniyang nagdadalamhating pamilya.
Noong ika-26 ng Hulyo, si Gaia Trimarchi, na nagbabakasyon kasama ang kaniyang pamilya sa Caramoan, Camarines Sur sa Pilipinas, ay nangongolekta ng mga kabibi sa tabing-dagat ng Sabitang Laya Island nang siya’y makagat ng isang box jellyfish, ayon sa ulat ng Philippine Lifestyle News.
Sinabi ng ina ng bata na si Manette na nakagat si Gaia sa may mababang parte ng kaniyang katawan. Agad na tumawag ng saklolo ang kaniyang pamilya , ngunit ang pinakamalapit na ospital ay 40 minutos pa ang layo sa kanilang kinaroroonan.
Sabi ni Manette na wala silang nakuhang first-aid supplies o kahit man lang suka mula sa kanilang tour guide o sa kahit ano mang mga gusali sa isla. Noong tumakbo siya sa kaniyang anak, naging kulay-ube na ang binti ni Gaia at namimilipit na ito sa sakit.
“Nagulat kaming lahat nang marinig namin siyang sumisigaw na sa sobrang sakit. Sinabi ng isang bangkero sa amin na box jellyfish nga raw ang kumagat sa anak ko”, sabi ni Manette.
Noong dinala na sa ospital si Gaia, idineklara siyang dead on arrival. Namatay ang bata sa anaphylactic shock, isang matinding allergic reaction. Sabi ni Manette, ang huling mga salita ng kaniyang anak ay “Hinding hindi na ako ulit pupunta sa beach. Anung mangyayari sa’kin? Mama, tulungan mo ako.”
Dagdag pa niya’y mayroon sanang potensyal si Gaia na makalahok sa Olympics bilang manlalangoy at gusto pang ireprisinta ang Pilipinas. “Nawalan tayo ng potential athlete na kung sakali man ay makakapagbigay sa Pilipinas ng pinakauna nitong gintong medalya sa Olympics”, sabi niya.
Original: Filipino-Italian girl killed by jellyfish wanted Olympic gold