Abu Dhabi in the United Arab Emirates. Photo: Wikimedia Commons
Abu Dhabi in the United Arab Emirates. Photo: Wikimedia Commons


Patuloy na nakakatanggap ang mga awtoridad sa Abu Dhabi ng mga aplikasyon galing sa mga residenteng nago-overstay na nais isaayos ang kanilang status sa lungsod.

Ayon sa Al Shahama Center of the General Directorate of Residency and Foreign Affairs, nakakatanggap sila ng mga aplikasyon galing sa mga Asyanong dayuhan, tulad na lamang ng mga Filipino, upang isaayos ang kanilang mga status bilang parte ng proyekto ng lungsod na “Protect Yourself by Rectifying Your Status”, ayon sa ulat ng The Gulf Today.

Sabi ng isang Asyanong babae, ilegal nang nago-overstay ang kaniyang siyam na buwang gulang na sanggol sa United Arab Emirates simula pa noong ito’y kaniyang ipinanganak at wala pa itong mga sumosuportang mga dokumento.

Ayon sa babae, in-sponsor siya ng visa ng kaniyang mister, ngunit siya’y iniwan nito nang siya’y nalamang buntis. Nag-expire ang kaniyang visa habang siya’y nagbubuntis at ilegal siyang pinilit na mamasukan bilang isang domestic worker.

Siya at ang kaniyang anak ay makakauwi na sa kanilang bansa sa oras na makuha niya ang kanilang departure permit sa tulong ng amnesty program. Sabi niya’y balak pa rin niyang bumalik sa UAE, at sa legal na pamamaraan.

Nagsimula ang amnesty program ng United Arab Emirates noong ika-1 ng Agosto at tatagal ito ng tatlong buwan. Maaaring gamitin ito ng mga nago-overstay na mga residente upang mamili kung sila’y kukuha ba ng visa, maghahanap ng trabaho, o kaya naman ay mapauwi na sa kanilang mga bansa.

Original: Abu Dhabi addressing status of overstaying residents